
Ang buhay ni Levi Celerio
Si Levi Celerio, isang Pambansang Alagad ng Sining, isa syang kilalang kompositor at manunulat ng mga awitin. Mahigit 4,000 kanta ang kanyang nilikha. Bukod dito, siya rin ay may kakaibang talento na tumugtog ng musika gamit ang dahon, isang kakayahan na kinilala ng Guinness Book of Records, kaya't nakasama siya sa mga programa sa telebisyon sa ibang bansa.
Unang mga taon
-
Pinanganak si Levi Celerio noong April 30, 1910 sa Tondo, Maynila. Lumaki siya sa isang mahirap na pamilya pero nakuha niya ang kanyang talento sa musika mula sa kanyang ina na isang mananahi na tumutugtog ng alpa o harp at miyembro ng koro sa simbahan.
-
11 na taon si Celerio nang hinikayat siya ng kanyang ina na mag-aral kung paano tumugtog ng violin. Isang miyembro ng Philippine Constabulary Band ang nagturo sa kanya kung paano tugtugin ang instrumento at kinalaunan ay tumugtog na si Celerio sa banda habang nag-aaral sa high school.
-
Nag-aral ng violin si Celerio sa Academy of Music Manila Conservatory of Music nang dalawang semestre. Isang direktor na nagngangalang Alexander Lippay ang nag-rekomenda sa kanya para sa isang scholarship at pagkatapos nito, siya ay naging pinakabatang miyembro ng Manila Symphony Orchestra.
​
Buhay Karera
-
Nang mahulog si Celerio mula sa isang puno at nabalian sa kanyang pupulsuhan, natapos din ang kanyang pagtugtog sa Manila Symphony Orchestra. Pagkatapos nito, nagtrabaho muna siya saglit bilang taga-drawing ng komiks at dito niya rin nakuha ang kanyang isa pang talento sa pagsusulat ng tula.
-
Ngunit hindi matakasan ni Celerio ang mundo ng musika. Dahil kinalaunan, napunta na siya sa karera ng pagsusulat ng kanta. Higit 4,000 na mga kanta at awitin ang nasulat ni Celerio. Karamihan dito ay mga Filipino folk songs, mga kanta tungkol sa pasko at pag-ibig. Ilan din sa mga likhang kanta niya ay nagamit sa mga pelikula.
-
Nang panahon ng mga Hapones, mayroong isang araw na naliligaw sa gubat si Celerio nang walang dala kun’di ang sarili’t damit niya. Mayroong mga sundalong Hapon na nakakita sa kanya at kinailangan niyang patunayan na hindi siya kalaban na sundalo. Na isa lamang siyang hamak na musikero. Kaya anong ginawa niya? Kumuha siya ng dahon mula sa isang puno at hinipan ito para makagawa ng musika. Sabi pa mismo ni Celerio na halos mapaluha daw ang mga sundalo ng marinig ang tinugtog niya at kinalaunan ay hinayaan siyang maglakad muli palayo.
-
Ika-7 ng Oktubre, taong 1997 nang iprinoklama si Levi Celerio bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika at Literatura. Ito ay dahil sa pamamagitan ng kanyang mga nalikhang awitin at tula, naging sagisag si Celerio ng tunay na pagkatao at tradisyon ng Pilipino.
Mga huling taon
-
Sa kanyang pagtanda, maraming okasyon na nagpakita si Celerio sa publiko. Kadalasan ito ay tuwing may konsiyerto sa Cultural Center of the Philippines. Nakikita din siya na tumutugtog ng violin sa Camelot Hotel bar at iba pang mga lugar.
-
Yumao si Celerio noong ika-2 ng Abril, 2002 sa Kamuning, Quezon City dahil sa multiple organ dysfunction. Inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani ng may buong parangal ng militar.